Akademikong Tulong ng Internet o Social Media Sa Mga Mag-aaral sa Kasalukuyan
Ang internet ang pinaka-ginagamit na pinagkukunan ng ideya, sagot sa mga katanungan, at sanggunian sa mga pananaliksik na pormal man o impormal. Ang internet na kung saan nagagamit ang social media ay naging isang pangunahing tanungan ng mga mag-aaral at maging mga guro para matuto at makapagturo. Sa isang pananaliksik noong 2006, pumalo sa walumpung — milyong (80 million) katao mapaguro, mag-aaral, o simpleng mamayan ang gumagamit sa internet bilang sanggunian at mapagkukunan ng mga ideya at sagot sa kanilang mga katanungan. Kung noon ang internet ay pumapangalawa sa libro na pinagkukunan ng mga may kaugnayan na literatura sa mga pananaliksik, ngayon, ang internet na ang nangunguna sa mga pinagkukunan ng mga ito. Ibig sabihin lang ay nagbabago ang mga pamamaraan upang matugunan ang ating mga pangangailangan ng mas mabilis at mas mabisa.
Sa panahon ngayon na may mga kinakaharap tayong mga pagsubok dahil sa pandemya, mas nakakatulong ang internet dahil ang pag-aaral ay isinasagawa na online. Malaking tulong sa mga mag-aaral ang internet at social media dahil mas mabilis masasagot ang kanilang mga katanungan at maraming mga sagot na gumagamit ng iba’t-ibang perspektibo at pananaw.
Sa isang kumpas lang o pag-type ng mga salita sa internet ay magkakaroon ka ng milyong sagot sa loob ng ilang segundo, napaka-laking tulong nito para sa mga mag-aaral. Sa internet, mayroon ding iba’t-ibang mga website na nagbibigay ng mga libreng electronic books o e-book. Ang mga ito ay librong nailathala at naimprenta sa pisikal na libro at ginawan ng soft copy upang magamit, mapuntahan at mabisita gamit ang internet. Ibig sabihin ay hindi mo na kailangang bitbitin ang iyong mga libro, kailangan mo nalang ay ang iyong gadget at makapagbasa ka na ng milyong libro na mayroon sa internet. May mga mag-aaral din ngayon na walang libro sa bahay. Kung wala ang internet, saan kaya sila makakakuha ng mga impormasyon upang makatulong sakanilang online classes? Na riyan din ang mga netizens na laging pwedeng mapagkuhanan ng mungkahi sa loob lang ng ilang minuto o maging ilang segundo. Mas napapabilis din ang komunikasyon sa bawat mga mag-aaral upang tulungan at tugunan ang isa’t-isa. Ako, bilang mag-aaral, malaki ang tulong nito sa akin upang mas maunawaan ko pa ang aking mga aralin nang mas malawak at mas malalim. Isa pang karagdagan, hindi sapat ang guro na nagtuturo sa silid-aralan. Kung gusto mo pang lumawak ang iyong kaalaman, kailangang masanay na magsaliksik nang mag-isa at matuto na sa sarili lamang. Sa isang dako, marami mang mga masasamang epekto ang paggamit ng social media at ng internet dahil hindi lahat ng mga makukuhang impormasyon sa mga platapormang ito ay tama. Nagkalat ang mga fakenews, troll websites, at marami pang ibang mga pahayagan sa internet na naglalathala ng mga kasinungalingan upang malinlang ang madla. Ngunit gayon pa man, ang kailangan lang ng isang mag-aaral ay maging mapagmatiyag at maging matalino sa pagpili ng mga pagkukunan ng impormasyon sa internet.
Marami mang balakid ang mga mag — aaral ngayon upang makapag-aral ng dekalidad at dekalibre, may mga magagawa naman tayong paraan para kahit papaano ay mapabuti at malinang pa ang ating mga kaalaman. Totoong nakakatulong ang internet sa atin sa akademiko ngunit dapat hindi natin kalimutan na ang pinaka-lehitimong mapagkukunan ng literatura ay ang mga nailimbag na mga libro. Huwag tayong umasa lang sa iisang mapagkukunan ng kaalaman, napakaraming mga bagay na kung saan tayo ay makakakuha ng kaalaman at karanasan. Ang internet at social media ay ilan lamang sa mga bagay na makapag lilinang ng kaalaman, makapagpapatalas ng isipan, at mapagkukunan ng sagot sa ating mga katanungan.